Siguro, tatlong buwan na iyong email ko sa iyo. Matagal na din.
Naka-attach ang retrato ng bobida ng bahay na ginawa at nakasulat ang walang patid na pasasalamat.
Tatlong buwan na iyong email – wala pa ring sagot.
Iisipin ng kahit sino na nasa panahon na tayo ng pinakamabilis na paraan ng pakikipag-ugnayan.
Makikipag komunikasyon. Sa isang pindot ng email na “send” –
siguro ay minuto lang at nasa inbox na ng padadalhan. Tanggap na niya. Matatagalan lang kung hindi bubuksan ang email - ng tatlong buwan.
Pero imposible sa panahon na ito ng friendster, facebook , youtube at multiply.com
na walang tao na may personal computer o laptop ang hindi naka-internet.
Kahapon sa pag-aayos ko ng aking mga gamit ay nahalungkat ko sa salansan ng aking lumang abubot
ang ilang sulat ng aking nanay halos dalawampung taon na ang nakalipas.
Sulat niya na nangangamusta sa akin at sa aking pag-aaral.
Pinag-iingat ako sa pag-uwi ko sa gabi dahil delikado ang lansangan.
Huwag daw akong mahiya na magdala ng payong kung umuulan
kaysa naman magkasakit ako at umuwi ng basang basa.
Makisama daw akong mabuti sa aking mga tiyahin dahil nakikisunong lang ako ng tirahan.
Kalahati lang daw muna ng pera na kailangan ko ang maipapadala niya
dahil kapus din sa gastusin sa bahay.
Naaantala pa ang pagsweldo ng aking tatay kaya’t nanghiram muna siya sa kumareng Anita niya ng kanyang ipinadalang pera.
Ang petsa ng sulat setyembre 25, 1984.
ang lumang sobre ay may tatak ng kureo na oktubre 03,1984.
Halos isang linggong paglalakbay ng sulat bago sa akin napasakamay
Makalipas ang dalawampung taon.
Nagtext kanina ang aking nanay mula sa kanyang cellphone.
may oras na 9:45am-dumating ng 9:45am din sa aking cellphone. ang mensahe:
Kmsta u & work u? lkas ulan d2, ulan b jan? dala u pyong kung uwi k at bka magkskit k p.
hirap magkskit now. Na get na tatay u money na padala u. slmat. Ingat u pagbyhe uwi.
Bilis ano? Pero kung minsan ay hindi ang bilis o bagal ng pagdating o pagsagot sa sulat, email man o text – iyong pa ring kagustuhan nating sumagot at makipag-ugnayan.
Siguro sa nakalipas na tatlong buwan matapos ang aking email at walang sagot ay malinaw lang naman din ang dahilan
– walang dapat sagutin.
Wala ng dapat sagutin pa. parang ang tulong na maayos ang isang bahagi ng aking bahay ay obligasyon
na dapat punuan. Hindi rin naman obligasyon.
Dahil wala namang obligasyon na dapat punuan.
Marahil ay ang kagustuhang tumulong sa kaibigan,
pero ang naging pakiramdam ko ay parang iyon na ang hangganan.
Isang pagtatapos ng ugnayan.
Kahapon din sa aking pagliligpit ay nabuklat ko ang isang manipis na libro
na marahil ay dalawampung taon ko na ring nabili sa isang lumang bookstore
– ang pamagat: Hanggang dito na lamang at maraming salamat.